r/Futurism • u/Timely_Slide_7044 • 4h ago
Ang Unti-unting Pagbabago ng Mundo Dahil sa AI
Sa panahon ngayon, hindi na bago sa atin ang paggamit ng Artificial Intelligence o AI. Halos
lahat ay pwede na natin itanong dito, mula sa mga simpleng bagay hanggang sa mga mahihirap
na gawain. Para sa mga estudyanteng tulad ko, malaking tulong ito dahil mas napapadali ang
paghahanap ng impormasyon at pag-unawa namin sa aming mga aralin. Pero habang nakikita
natin kung gaano kabilis umunlad ang AI, naiisip ko rin kung hanggang saan kaya ang
kakayahan nito. Paano kung dumating ang panahon na mas marami na itong kayang gawin
kaysa sa tao?
Totoo na maganda ang naidudulot ng AI, pero hindi rin natin maikakaila na may mga bagay
na dapat nating pag-isipan. May mga taong nangangamba na baka dumating ang panahon na
mawalan tayo ng kontrol sa teknolohiyang tayo rin ang gumawa. Sa mga pelikula tulad ng The
Terminator, madalas nating nakikita ang AI na nagiging kalaban ng mga tao at sinusubukan nito
na sakupin ang mundo. Hindi naman ibig sabihin na mangyayari talaga ito, pero pumapasok
parin sa aking isipan na posible pa rin magkaroon ng malaking problema kung gagamitin ang AI
nang walang sapat na pag-iingat. Pwede ring masanay ang mga tao na umasa rito sa lahat ng
bagay hanggang sa unti-unti nilang makalimutan ang sarili nating kakayahan.
Para sa akin, hindi kailangang matakot agad sa AI, pero hindi rin dapat natin itong
balewalain. Nasa tao pa rin ang responsibilidad na magtakda ng tamang limitasyon at
siguraduhing hindi ito ginagamit sa maling paraan. Dapat nating tandaan na ang teknolohiya ay
ginawa upang makatulong sa atin, hindi para tuluyan nating ipasa rito ang ating mga gawain at
desisyon. Hindi natin alam kung ano pa ang kayang gawin ng AI sa mga susunod na taon, kaya
mas mabuting maging maingat habang ginagamit natin ito. Dahil kung darating man ang
panahong mas magiging makapangyarihan ang AI, sana ay hindi natin makalimutan na tayo
ang gumawa nito at tayo rin ang dapat maging responsable sa paggamit nito.